Ako po ay isang alagad ng sining sa larangan ng panulat at panitikan na maituturing sapagkat ang aking mga ideolohiya, pananaw at komentaryo ay aking naipamamahagi sa aking mga masugid na tagasubaybay sa pamamagitan ng instrumento ng malikhaing pagsulat ng maiikling kwento na sa awa ng Diyos ay nakapagdudulot ng kakaibang kaligayahan sa kanila.
Hindi po ako tulad ninyo na pawang kabastusan ang isinusulat para lamang makabenta ng mumurahing dyaryo upang may maipalamon sa pamilya.
Upang maisalarawan sa inyo ang kasamaang naidudulot ng inyong kamanyakan, hayaan ninyong isalaysay ko sa inyo ang aking sariling karanasan para na rin sa kapakanan ng lahat ng mga mambabasa.
Nasa high school ako noon, Xerex. Palibhasa’y matangkad, maputi at chinito, maraming kaeskwela ko ang nagkaka-crush sa akin. Alam ko ito sapagkat marami-rami na rin ang mga babaeng nagtatanong ng numero ng aming telepono at ayon na rin sa aking mga kaibigan na nagsasabing bukang-bibig ako ng mga usap-usapan ng iba’t ibang grupo ng kababaihan sa aming paaralan.
Palibhasa’y sanay akong makipagkarinyo sa mga kababaihan, hindi na bago sa akin ang makisalamuha sa kahit sinong babae. Dahil dito, hindi ko napagtutuunan ng pansin ang magkaroon ng sariling kasintahan dahil hindi naman ako nalulungkot dahil sa dami ng mga babaeng umaaligid-aligid sa akin.
Isang araw ay nagbigay ang aming guro ng isang munting project para sa aming klase sa Filipino. Kinakailangan naming magpasa sa susunod na linggo ng isang munting bagay na may kinalaman sa sining. Buti naman at pinayagan kami ng aming guro na makipagpareha sa kahit sinong gusto naming kaklase. Kung kaya’t ang aking kababatang si Anne ang aking ginawang kapareha. Sa tuwing magkakaroon ng mga ganitong klaseng project ay palaging kami ang magkapareha kung kaya’t palaging mataas ang nakukuha naming grado dahil kilala at sanay na sanay na kami sa isa’t isa.
Sobrang malapit kami ni Anne palibhasa’y magkalaro na kami simula pa noong maliliit pa kami at dahil na rin sa pagiging magkapitbahay namin. Noong sumunod na Sabado ay nagpunta ako sa bahay nina Anne upang gawin na ang aming project. Mga sampung minuto na ang lumipas ngunit wala pa ring nagbubukas ng pinto sa akin sa kabila ng aking pagtawag. Kung kaya’t minabuti kong pumunta na sa likod-bahay nina Anne upang doon na lamang dumaan. Naliligo pala si Anne. Ang lokong ‘yun. Sinadya akong hindi pagbuksan ng pinto sapagkat hindi ko rin naman siya pinagbubuksan ng pinto ‘pag nagpupunta siya sa amin. Palagi rin siyang napipilitan dumaan sa likod-bahay namin. Gantihan lang ‘ika nga.
‘Pag pasok ko sa kanilang bahay ay tinanong ko si Anne kung nasaan na ang mga tao sa kanila. Habang nasa loob ng banyo ay sumagot siya at sinabing nagpunta raw sa sementeryo ang mga magulang niya kasama ang nakababata niyang kapatid. Wala naman daw masayang magagawa sa sementeryo kaya’t nagpaiwan na lamang siya.
Pagkatapos magbihis ni Anne ay agad niya akong tinawag sa kanyang kwarto upang gawin na ang project namin. Dahil halatang nagmamadali siyang magbihis medyo nabasa tuloy ang suot niyang damit. Bakat tuloy ang ilang parte ng kanyang katawan. Maganda pala ang hugis ng katawan ni Anne. Hindi ko ito masyadong napapansin dati dahil marami namang ibang mas maganda at mas sexy kaysa sa kanya sa aming paaralan. Mas maganda pala si Anne ‘pag bagong paligo. Mas lumilitaw ang maputi at makinis niyang balat. Nakakaakit din ang kanyang mahabang itim na buhok na medyo basa pa. Napansin ko rin na walang suot na bra si Anne sapagkat bakat na sa basa niyang blouse ang nipples niya. Tumambad din sa akin ang mapuputi niyang legs na animo’y hindi pinadadapuan sa lamok.
Hindi ko inakalang ibang project pala ang nasa isipan ni Anne. Pagkadaka’y hinawakan niya ang aking gagamiting sandata. Malaki iyon kaysa sa normal. Ang tigas din. Nagulat ako sa sumambulat sa akin. Hindi ko alam ang aking gagawin dahil first time ko lang gagawin iyon. Mas naging excited tuloy si Anne sa naging reaksyon ko. Dali-dali niya akong dinala sa may study table niya upang doon gawin ang kanyang binabalak. Hindi na naming nagawang pagusapan ang gagawin namin. Gusto na kaagad ni Anne na ipasok ko sa butas ang aking sandata. Kinakabahan ako noon at medyo nanginginig kung kaya’t hindi ko sinasadyang mali ang pagkakapasok sa butas na itinuro ni Anne. Napaaray si Anne. Napansin ko na lang na may dugo na sa study table niya. Agad ko itong pinunasan. Tinanong ko si Anne kung ok lang siya. Ok lang naman daw siya at kaya niyang tiisin ang sakit noon kaya ituloy ko lang daw ang aking ginagawa. First time lang din pala niya.
Itinuloy ko lang ang aking ginagawang paglabas-pasok sa butas na sinasabi ni Anne. Siya ang nagsabi na mas ok daw kung masusundan naming ang kakaibang pattern na ibinigay sa kanya ng kanyang kaibigang babae. Naisip ko lang na sana ay nagpatulong kami sa kaibigan niya upang napadali at napasaya ang aming ginagawa.
Pagkalipas ng dalampung minuto ay pawis na pawis na kami ni Anne. Pansamantala naming itinigil ang aming ginagawa upang magpahinga. Napansin ko ang kislap sa mga mata ni Anne. Naliligayahan siya sa ginagawa namin. Paborito pala talaga ng mga kababaihan ito. Hindi lang siguro nila masabi sa mga lalake dahil natatakot silang matanggihan.
Pagkatapos ay nagpalit kami ng posisyon ni Anne. Siya naman ang hinayaan kong gumawa. Hindi rin siya gaanong marunong dahil mali-mali rin ang pagpasok niya. Natatawa na nga lamang ako kung minsan.
Pagkalipas ng isang oras ay natapos din kami sa aming ginawang project. Pagod na pagod kami pero nag-enjoy naman. Ipinangako naming sa isa’t isa na uulitin namin ulit iyon. Sa susunod ay baka sa bahay naman namin. Naisip namin na mas masaya siguro gawin iyon sa sala o kaya sa hapagkainan. Mas masaya rin siguro kung marami kami. Maaari naming isali ang mga kaibigan niyang babae. Maaari namin iyong gawin ng sabay-sabay. Mas masaya rin siguro gawin iyon habang pinapanood namin gawin ng iba.
Xerex, masaya pala talaga magcross-stitch.
Ok lang kahit nasugatan ko ng sandata kong karayom ang daliri ni Anne.
Nawa’y aking naisalarawan sa inyo ang idinudulot na dumi sa isipan ng mga mambabasa ng iresponsableng pagsusulat.